Thursday, August 15, 2013

Paano Maging Miyembro ng SSS

Kung ikaw ay mag-uumpisa nang magtrabaho sa pribadong sektor sa Pilipinas, ang kumpanyang iyong papasukan ay nararapat lamang na kuhanin ang iyong Social Security Number (SSS) kung ikaw ay meron na nito at kung wala pa ay dapat na iapply ka ng iyong kumpanya para maging kasapi o miyembro ka ng SSS.  Ito ay nasa batas na kailangang sundin ng kumpanyang iyong papasukan.  Kung sakali man na hingin ng kumpanya ang iyong SSS subalit wala ka pa nito, narito ang mga dapat mong gawin;

1.  Kumuha ng SSS Form E1 (Personal Record), ito ay maari nang madownload o makuha sa website ng SSS na siya mong iprint para masulatan ng mahahalagang impormasyon ukol sa iyo.  Ito ay makukuha din sa pinakamalapit na opisina ng SSS sa iyong lugar.

2.  Isulat ang mahahalagang impormasyong hinihingi sa form at siguruhing tama ang lahat ng impormasyong iyong ilalagay upang maiwasan ang anomang problemang idudulot ng mali-maling detalye na ibibigay mo sa SSS. Ang mga detalyeng dapat mong isulat ay ang iyong buong pangalan, permanenteng tirahan, kasarian, araw ng kapanganakan, katayuang sibil at ang mga idedeklara mong mga makikinabang na mga pangunahin mong kamag-anak.  Pirmahan mo ang form at ilakip ang mga iba pang dokumento na kailangan.  Mangyaring itim na ballpen ang iyong gamitin sa pagsulat dahil ito ang nakalagay sa panuto o instruction.

3. Ang original at kopya ng iyong birth certificate, baptismal o pasaporte ang mga pangunahing dokumento na maaari mong isama sa iyong E1 form. Maari mong gamitin ang isa sa mga nabanggit. Kung sakaling wala ka ng pangunahing dokumento, may mga iba pang dokumento ang maari mong magamit katulad ng school ID o voters ID, driver's license, marriage contract o birth certificate ng iyong anak.

4.  Kung makompleto mo na ang E1 form na may kasamang suportang dokumento, (siguruhin na dalawang kopya ang dala mo ng ipapasa mo sa SSS), maari ka na pumunta sa pinakamalapit sa opisina ng SSS upang ifile ang iyong aplikasyon para sa SSS number mo.

5. Ang iyong ipinasang mga dokumento ay bubusisiin ng nakatakdang verifier at kung tama naman ang lahat ng iyong nasubmit, saka ito tatatakan ng kaukulang numero.  Ito ang magiging panghabambuhay mong SSS number na hindi mo dapat kalimutan. 

5. Maari ka na mag-umpisa sa paghuhulog ng kontribusyon mo upang maging aktibong miyembro ka ng SSS. Tandaan na dapat na tuloy-tuloy ang iyong hulog ng kontribusyon upang magamit mo ang mga benepisyo ng pagiging kasapi nito.